Ikaw ba ay Umasa Pero Nabigo? Tara na’t Tumindig at Lumaban!

UMASA

Umasa ang mga manggagawa at ang sambayanan sa mga binitawang pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan niya ang iskema ng kontraktwalisasyon na matagal nang laganap at nagpapahirap sa malaking bilang ng mga manggagawa.

Isa ang lungsod ng Valenzuela sa buhay na patunay kung gaano kalala ang iskema ng kontraktwalisasyon at kung paano nito pinahihirapan ang mga manggagawang Pilipino. Napakaraming kumpanya/pabrika sa Valenzuela ang patuloy na nagpapatupad ng ENDO at ng iba’t ibang porma ng kontraktwalisasyon.

Ilan sa mga kumpanyang notorious pa rin sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon ay ang WL Foods Inc., Fishing Gear, Ligo, at Phil. Ultra. Matapos ang lima hanggang anim na buwan sa kumpanya ay kumakaharap na sila sa Endo. Ang pagkuha sa kanila muli o pag-extend sa kanilang kontrata ay nakabatay sa sinasabing performancenila sa trabaho. Ang iba naman ay pinagpapalit lamang ng pangalan matapos ang kontrata para pumasok sa panibagong kontrata. Ang isa pang optionng mga manggagawa ay pumasok sa mga manpower agency na nagkalat sa lungsod, ligal man o iligal o kolorum. Nanatiling walang seguridad sa trabaho ang mga manggagawang kontraktwal.

Liban pa sa kawalan ng seguridad, malaking suliranin pa rin ng mga manggagawa ang napakababang sahod. Batay sa sarbey na isinagawa ng Women WISE3 sa Valenzuela nitong Hulyo 2019, mahigit 50% ng mga manggagawa ang sumasahod ng wala pa sa nakatakdang minimum na sahod sa NCR na P537. Ang pinakamababa sa mga nakapanayam ay umaabot lamang sa P310. Ang pinakamalalang kondisyon naman ay iyong walang fixed rate  na sahod dahil pakyawan ang iskema ng paggawa.

Problema rin ng mga manggagawa ang kawalan ng benepisyo sa trabaho. Kahit na itinatakda ng batas, maraming kumpanya pa rin ang tahasang lumalabag sa pagbibigay ng mandatory benefits (SSS, Pag-ibig at PhilHealth) sa mga manggagawa nila. Ang iba naman, nagbibigay nga pero hindi naman regular na binabayaran ang mga ito kahit na kinakaltasan din ang sahod ng mga manggagawa.

May kakulangan din sa mga benepisyong natatanggap mula sa Overtime (OT) Pay, Service Incentive Leave, Holiday Pay, Night Differential Pay, 13thMonth Pay at iba pa.

Marami pa ring mga manggagawa ang hindi sapat ang kaalaman sa kanilang mga Batayang Karapatan. Kabilang dito ang mga kababaihang manggagawa, lalo na ang mga buntis, na mayroon silang espesyal na benepisyong dapat tinatamasa – ang maternity leave. Nitong nakaraang Marso 2019 nga ay naisabatas na ang Extended Maternity Leave Law kung saan nakasaad na ang sinumang babaeng empleyado na nagbubuntis ay may karampatang leave na 105 araw at may matatanggap na kompensasyon mula sa SSS.  Naisabatas na ang 105 Days Extended Maternity Leave nitong nakaraang Marso 2019.

NABIGO

Bigo ang mga Pilipino nang tuluyang talikuran ni Duterte ang pangako sa mga manggagawa. Laglag ang balikat ng mga manggagawa sa pagkadismaya nitong nakaraang Hulyo 26, 2019 ng i-veto o ibasura ni Pang. Duterte ang sertipikadong “urgent” o prayoridad ng pamahalaan na Security of Tenure Bill (SoT Bill). Bagama’t malabnaw din ang batas na ito at hindi tuluyang magwawakas sa kontraktwalisasyon, hindi pa rin ito nagawang isabatas ng administrasyong Duterte dahil na rin sa tulak at dikta ng malalaking negosyante na malinaw na mas pinaburan niya.

Ginagawang dahilan ng administrasyon at ng mga economic advisers nito na maaari umanong umalis sa bansa ang mga investorskapag naisabatas ang SoT Bill. Pero malinaw na dahilan lamang ito upang patuloy nilang mapagsamantalahan ang murang lakas paggawa ng mga Pilipino nang di nangangailangang bigyan sila ng seguridad sa trabaho at iba pang mga benepisyo. Talaga namang hindi maaasahan na uunahin ng mga kapitalista ang kapakanan ng mga manggagawa bago ang kanilang negosyo at tubo kahit pa dugo’t pawis ng mga manggagawa ang bumubuhay sa kanila.

TUMINDIG AT LUMABAN

Sa gitna ng lahat ng ito, nasaan nga ba ang mga manggagawa?

Tapos na ang panahon ng pananahimik at pagtitiis ng mga manggagawa. Sunud-sunod ang malalakas na pagkilos ng mga manggagawa sa buong bansa bilang pagtindig sa kanilang mga karapatan. Nariyan ang mga pagkilos at welga ng mga manggagawa ng Sumifru (Mindanao), PEPMACO (Laguna), Super8 Supermarket (Pasig), Zagu (Pasig), NutriAsia (Bulacan at Laguna), Nissin Monde (Laguna) at marami pang iba.

Samantala, ang mga progresibong partylist sa Kongreso ay naghain na muli ng panukalang batas para sa isang mas malakas at tunay na maka-manggagawang Security of Tenure Bill na tuluyan nang magwawakas sa kontraktwalisasyon sa bansa.

Hamon sa ating mga manggagawa na tumindig at magkaisa para sa pag-abot natin sa ating mga lehitimong mithiin at karapatan. Nasa sama-samang pagkilos natin ang ating lakas upang mapagtagumpayan ang laban natin para sa disente at ligtas na trabaho, sapat na sahod at benepisyo, seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon.

Kaya, ano pang hinihintay ‘nyo? Tara na’t tumindig at ipaglaban ang ating mga karapatan!